people

Pilipino Ako!

I am a proud Filipino citizen, in support with the Filipino Language Week, I would like to inform my foreign/english readers that I will speak in my native tongue for this particular post. Please bear with me, you may use the translator widget located at my sidebar for this particular post. Thank you!


Isang biyayang handog ang maging Pilipino.  Taglay natin ang mga katangian na siyang hinahangaan ng buong mundo.  Ang mahigpit na paniniwala at pagtitiwala sa Panginoon, ang pagiging magalang, pagtutulungan na tinawag nating bayanihan, pagmamalasakit sa kapwa, matibay na pagbubuklod at pagmamahal sa pamilya, magiliw at mabuting pagtanggap o pakikitungo sa mga bisita, matiyaga, masipag  at higit sa lahat hindi maikakaila na talentado ang mga Pinoy! 
Hindi ko kailan man ikinahiya ang aking pagiging Pilipino kahit na nadungisan makailang beses ang reputasyon ng ating bayan sa nakaraang hindi magandang mga pangyayari sa loob at labas ng bansa.  Para sa akin hindi kinakatawan ng isang tao o ilang tao lamang ang ating bansang Pilipinas upang hatulan ang buong mamamayang naninirahan dito.
Likas sa mga Pilipino ang pagiging matiyaga, masipag at mapagpahalaga sa hanapbuhay at dahil dito maraming Pilipinong manggagawa ang nasa iba’t ibang panig ng daigdig na nagpapamalas ng kanilang angking galing.  Isa ito sa pagpapatunay ng kahusayan ng ating angkan.
Nakakalungkot isipin na marami na ring gumagawa ng kabuktutan sa ating mga mamamayan, sa gobyerno, sa pribadong sector at maging sa mga ordinaryong mamamayan.  Ako ay naniniwala na hindi pa huli ang lahat upang maisaayos ang mga maling gawain, maling paniniwala at  maituwid ang mga kabataang naliligaw ng landas.
Sa muling pagsapit ng Linggo ng Wika ngayong Agosto, samahan ninyo ako na ating balik tanawin ang ating pinagmulan.  Nararapat lamang bigyang halaga ang wikang Pilipino na isa sa mga naging tulay sa pagbawi ng  ating kalayaan mula sa mga mananakop na banyaga.  Bawat paaralan sa buong arkipelago ay ipinagdididiwang ang okasyong ito upang  linangin ang mga kabataan ukol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling wika. 
Bukod sa pagkakaroon ng sariling wika, ang bansang Pilipinas ay hitik sa mayamang lupa, natural resources at magagandang lugar na dapat nating ipagmalaki.
Ang aking pagpapahalaga at pagmamahal sa ating sariling wika ang nagbunsod sa akin na gawin ang post na ito.  Ang aking maliit na paraan upang makibahagi sa selebrasyon ng Linggo ng Wika.


Mabuhay ang mga Pilipino!

Share this post

1 comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *